Friday, December 15, 2006

"Minsan, parang wala talagang pasko sa mga mahihirap."

Ang Pinakamalaking Medyas Sa Balat ng Turod
Zig Madamba Dulay



"PASKO NA NAMAN O KAY TULIN NG ARAW, PASKONG NAGDAAN TILA BA O KAILAN LANG."



Patalon-talon habang umaawit si Popoy pauwi sa kanilang bahay. Sariwa pa sa kanyang imahinasyon ang mga malalaking parol at mga christmas lights na kanina'y isinasabit sa Mayak, ang sentro na kanilang ili. Anim na taon pa lang si Popoy at hindi pa masyadong marunong sa mga petsa kung kaya't ang mga palamuti sa sentro ang nagsilbing senyales sa kaniya na malapit na ang pasko ang kaniyang pinakahihintay.



Sabik si Popoy sa pasko sapagkat ayon nga sa kanyang ina, sa panahong ito lumalabas si Santa Claus. Ito ay nagbabahay-bahay upang magbigay ng regalo sa mga bata. Noon pa man, nais na niyang makita si Santa Claus sa personal. Nais niyang patunayan kung may balbas nga ba ito gaya ng nakita niya sa TV ni Kapitan.



Pagkatapos maghapunan, nagmamadaling nag-urong si Popoy. Pakanta-kanta pa siya ng pang-pasko habang naghuhugas, bagay na lihim na ikanakatuwa nina Aling Olivia at Mang Julian. Pagkatapos sa kusina ay nagtungo ito sa burol sa likod ng kanilang bahay, kung saan makikita ang buong siyudad ng Mayak. May kalayuan ang Turod sa Mayak. Ito ay isang malawak na bukirin na pinaninirahan ng mga walang lupa sa sentro, mga taong hindi maihiwalay ang buhay sa pagsasaka.



Lutang ang mga ngiti sa mukha ni Popoy habang tinititigan ang mga di mabilang at nagsisilakihang ilaw sa Mayak. Sabay-sabay itong pinasindi. Tila nakikipagsabayan pa ang pagtango-tango ni Popoy sa mga patay-sinding ilaw na mayroong iba't-ibang kulay. Iniisip na ni Popoy kung gaano kasaya sa lugar ng yaon. Nakikinita na niya ang kaniyang sarili kasama si Tatit, Plabyo at Tiyanok. Naglalaro ng habulan. Tumatakbo kung saan-saan, sa ilalim ng malaking punong kahoy na pinuno ng mga patay-sinding ilaw, sa tabi ng isang malaking parol na mas malaki pa sa kaniya, sa mga nagtitinda ng puto-bumbong at sa munting parke na ipinagawa ng kanilang Kapitan ng magdaos ng Binibining Mayak. Puno ng halakhakan. Puno ng imahinasyon ang diwa ni Popoy. Natuldukan lamang ito nang tawagin ito ni Aling Olivia.



Sinabayan ni Popoy ang pagsikat ng araw sa kaniyang paghahanda sa sarili. Napagkasunduan na nila ni Mang Julian na kasama siya sa bahay ni Kapitan upang manghiram ng pambili ng guwano para sa susunod na pagtatanim. Nauna si Popoy sa kanilang kariton na halatang sabik na sabik, kulang na lamang ay siya na ang sumakay sa kalabaw upang mauna na.



Matapos ang halos tatlumpong minutong pakikipagtunggali sa lubak-lubak na daanan, narating din nila ang bakuran ni Kapitan. Kumakagat na ang dilim nang makausap ni Mang Julian si Kapitan. Hindi lamang pala sila ang nangangailangan kundi halos lahat ng magsasaka ng Turod. At ayon sa manong na kumausap sa kanila, galing pa sa kalapit-bayan si Kapitan. Ito ay dumalo sa isang binyagan.

Nanlaki ang mgaa mata ni Popoy nang lumiwanag ang bakuran ni Kapitan. Sabay-sabay na umilaw ang mga Christmas lights. Halos mapuno ang buong bakuran at bahay. Tuwang-tuwa ito sa iba't-ibang hugis na nilikha mula sa mga ilaw – dambuhalang kendi at lollipop, higanteng Santa Claus at Christmas Tree at ang malaking medyas. Sa malaking medyas napatitig si Popoy. Nag-isip siya kung bakit sa mga bintana ng naturang bahay ay may mga nakasabit din. Habang abala si Mang Julian sa pagmamakaawa kay Kapitan, hinagilap ni Popoy ang manong na nakausap nila. May kutob itong may alam ang manong na ito sa pagsindi sa mga ilaw, at tiyak na alam ng manong kung para saan ang medyas.



Hindi nahirapan sa paghahanap si Popoy. Maangas ang manong na tila siya ang may-ari ng bahay. Gayunpaman, sa huli ay sumagot din kahit alam niyang bata ang kausap. Dito nalaman ni Popoy na ang medyas na iyon pala ang pinaglalagyan ni Santa Claus ng mga regalo sa mga bata. Dagdag pa ng manong, araw-araw nakakatanggap ng regalo ang mga anak ni Kapitan. Iba't ibang laruan, tsokolate, kendi at ang kaniyang pinapangarap na malaking robot. Sa oras ding iyon, nais na niyang bumalik sa kanilang bahay upang magkabit din ng medyas. Naisip niya kung si Santa Claus ang magbibigay ng robot, hindi na gagastos ang tatay at nanay niya para dito. Sa halip na ibili siya ng robot, ipabibili na lang niya ng bagong damit. Bumalik si Popoy kay Mang Julian dala ang mga ngiti sa labi. Nadatnan niya ang amang malungkot at walang imik. Sa murang edad, batid ni Popoy na hindi napagbigyan ang kaniyang ama.



Hindi na rin umiimik si Popoy, tila nahawaan siya ng kamandag ng katahimikang bumalot sa kaniyang ama. Nakatingin lamang siya sa mga ilaw na bumabalot sa bakuran ni Kapitan. Sa isipan nito tila ba isang perya ang bahay ni Kapitan. Punong-puno ng ilaw, parang ginto na kumikinang. Maya-maya pa, hindi na abot ng kaniyang tanaw ang mga ilaw na iyon at ngayo'y papalapit na sila sa kanilang tahanan. Nakadama ng lungkot si Popoy sapagkat wala na ang mga ilaw na nakakapagpasaya sa kaniya, ang nakakapagpaalaala na palapit na ng palapit ang pasko. Sa kanilang tahanan, wala siyang ibang makitang ilaw kundi ang nag-iisang gasera na tila nauubusan na rin ng gaas.



Nagtungo agad sa kanilang silid si Popoy pagkababa nito sa kariton. Hinanap niya ang lalagyan ng kanilang mga gamit. Pinili nito ang kaniyang pulang medyas, dalawang linggo pa lamang ang nakaraan ng bilhin ito ng kaniyang ina para sa kaniya. Hindi ipinaalam ni Popoy ang tungkol sa pagsabit ng medyas na iyon sa mga magulang. Nais niya ring sorpresahin ang mga ito. Isinabit ni Popoy ang medyas sa bintana ng kanilang silid at hinayaan nitong nakabukas buong magdamag.



Maagang nagising si Popoy. Nagmadali itong tignan kung ano ang regalo sa kaniya ni Santa Claus. Naiisip na niya ang kaniyang gustong laruan, ang robot na de-baterya. 'Yung laruang gaya sa mga anak ni Kapitan na bigay din ni Santa Claus. Sabik na itong makita kung ano ang laman ng medyas. Kinapa-kapa ni Popoy ang medyas saka nito ipinasok ang kamay sa loob. Nagulat siya, walang laman ang kaniyang medyas. Naisip niya, siguro hindi nakita ni Santa Claus ang kaniyang maliit na medyas, dapat yung mas malaki. Kailangang makita na rin niya si Santa, tatlong gabi na lang ay pasko na, baka matapos ang pasko na walang mangyari.



Sa oras ding iyon ay hinanap niya ang medyas ni Mang Julian. Batid niyang mas malaki ito kumpara sa kaniyang medyas. Isinabit niya itong muli sa kanilang bintana at hinintay na naman niya ang gabi. Sa pagkakataong ito ipinangako ni Popoy sa kaniyang sarili, hindi siya matutulog. Babantayan niya ang kaniyang medyas. Naisip niya, paano malalaman ni Santa na robot ang gusto niya kung hindi nito kakausapin? Siguro kinausap din ng mga anak ni Kapitan si Santa kaya may regalo sila. Kapag nakausap niya si Santa, hihiling na rin siya ng laruan para kina Tatit, Plabyo at Tiyanok, tiyak matutuwa nga mga iyon.



At hindi natulog si Popoy ng gabing iyon. Hinintay niya ang pagdalaw ni Santa Claus sa kanilang bahay, higit ang pagibibigay nito ng kaniyang paboritong robot. Hindi nawalay ang kaniyang mga mata sa kaniyang medyas kahit ito ay nakahiga na sa kanilang kama. Sa gabing iyon, muli na namang sumagi sa kaniyang isipan ang mga patay-sinding ilaw sa bahay ni Kapitan, ang mga malalaking parol sa Mayak at higit sa lahat, ang robot sa medyas ng mga anak ni Kapitan. Nakikinita na niya ang mga oras at araw na kalaro niya ang kaniyang robot. Naiisip na niya kung paano sila maglalaro ng kaniyang mga kalaro. At mula sa imahinasyong ito, hindi na namalayan ni Popoy na binabati na siya ng sikat ng araw.



Dumaan ang magdamag subalit bigo pa din si Popoy. Gayunpaman, hindi ito nawalan ng lakas ng loob. Sa kaniya'y hindi pa rin sapat ang laki ng medyas na isinabit nito. Dali-dali itong nagpunta sa kanilang balong-balong. Kumuha ito ng isang sako at ito ang isinabit nito sa kanilang bintana. Baka hindi pa rin makita ni Santa ang medyas kaya't hindi ito dumadalaw sa kanilang bahay. Sa isip-isip ni Popoy, sa pagkakataong iyon, makikita na ni Santa Claus ang kaniyang malaking medyas.



Maagang nakatulog si Popoy nang gabing iyon, dulot ito ng hindi pagtulog sa nakaraang gabi. Halos hindi na nga rin nito namalayang dumating sina Aling Olivia at Mang Julian. Samantala, nagtataka naman ang dalawang mag-asawa kung bakit tila malungkot ang kanilang anak sa mga nakaraang araw pagkatapos matuwa ng malamang malapit na ang pasko. Gayunpaman, dahil sa sobrang pagod at dahil kailangan pa nilang gumising ng maaga, nagpahinga na rin ang mag-asawa pagkatapos maghapunan.



Nagising si Popoy nang tawagin ito ni Aling Olivia para mag-umagahan. Bago ito nagpunta sa kanilang kusina, nagtungo muna siya sa likod ng kanilang bahay kung saan naroon ang kanyang sakong medyas. Kahit dalawang beses na itong naunsyami, may naramdaman pa rin siyang pananabik na makita kung ano ang laman ng kaniyang medyas o sako. Nakapikit siya nang lumapit sa sako. Nang nakapa nito na nasa harapan na niya ang sako, ipinasok niya ang kaniyang kamay sa loob. Ikinalat niya ang kaniyang kamay sa loob. Kapa. Kalat ang kamay. Kapa pa rin. Wala itong mahawakan kundi ang sako. Sa isa na namang pagkakataon ay wala na namang laman ang kaniyang medyas. Sa isa na namang pagkakataon ay nabigo siya.



Wala na itong ibang maisip na paraan. At hindi na rin niya maintindihan kung bakit hindi pa rin dumadalaw sa kanilang bahay si Santa Claus. Isang araw na lamang ang nalalabi, sa makalawa ay pasko na subalit wala pa ring nangyayari. Nasira ba ang sasakyan ni Santa Claus kaya't hindi siya dumadalaw sa mga bata? Napilay ba ang isa sa mga usa niya kaya hindi siya makapaglakbay sa himpapawid? Naubusan na ba siya ng mga regalo? Nawala ba si Santa? O baka naman hindi niya alam puntahan ang Turod? Subalit bakit ang bahay ni Kapitan ay kaniyang napupuntahan? Bakit nabibigyan ang mga anak ni Kapitan? Bakit lahat ng bata na nasa Mayak ay nakakatanggap ng regalo? Kung mga batang mababait lamang ang binibigyan ni Santa ng regalo, hindi ba ako mabait? Madaming mga katanungan ang nasa isipan ni Popoy sa pagkakataong iyon. Kabilang na dito ang kaniyang pagtatala kung bakit tila hindi pasko sa kaniyang mga magulang. Mga tanong na hindi niya rin masagot.



Hindi na naghanap ng mas malaki pang medyas si Popoy. Disperas na ng pasko kaya't wala na siyang oras upang maghanap pa. Unti-unti na rin siyang nawawalan ng pag-asa na makita pa si Santa at mabigyan siya ng kaniyang paboritong robot. Wala na siyang ibang maisip na paraan. Kumuha siya ng kaniyang papel at lapis at saka nagsulat. Pagkatapos niyang magsulat, nagpunta siya sa likod ng kanilang bahay kung nasaan ang malaking medyas. Saglit niya itong tinitigan at pagkatapos ay tumambay na siya sa kaniyang paboritong tambayan, sa burol. Hinintay niyang magdilim upang makita niya ang mga ilaw sa Mayak. Naiisip na namn niya ang mga taong nagsasaya sa Mayak. Naiisip niya ang mga taong nagtatawanan, mga taong maligaya. Nawala na sa isip niya ang kaniyang robot, ang mga araw na paglalaro nila nina Tatit, Plabyo at Tiyanok. Nawala na lahat. Maya-maya lamang ay pasko na, subalit sa kaniya parang ordinaryong araw lang.



Eksakto alas-dose ng gabi nang tawagin siya ni Aling Olivia. Nakahapag sa kanilang mesa ang kaserolang puno ng nilagang kamote. Nagtimpla naman ng kape si Mang Julian. Tawanan ang buong pamilya. Pilit pinapasaya ng mag-asawa ang kanilang anak sapagkat wala silang maibigay na regalo, sa kaniyang ikapitong kaarawan. Idinaan na lamang ni Mang Julian sa pagbibiro, "kina Kapitan ba ay may handang katulad sa atin?" Pagkatapos kumain ang mag-anak, sabay-sabay na silang natulog.



Kinaumagahan, nagwalis sa likod ng bahay si Aling Olivia. Kailangan niyang magmadali dahil kailangan niyang samahan si Mang Julian sa bukid. Nakita ni Aling Olivia ang malaking sako na nakasabit sa kanilang bintana. Nilapitan niya ito at tiningnan kung ano ang nasa loob. Nagulat siya sa isang kapirasong papel na nasa loob. Agad niya itong binuksan at binasa:



DEAR SANTA KLAWS


MARAMING SALAMAT PO SA INYONG REGALO.


POPOY

1 comment:

regine iris said...

hi! anong year ka na po ba? taga-UPB din aketch. i've read this story of yours sa isang educational journal ng kapatid ko. astig. hehe. tapos i saw your contributions din sa BALINTUNA. keep it up! oops. meri xmas!