Saturday, October 13, 2007

Ngayong Batid ko na Kung Ano ang Hiwaga ng Bawat Soneto ni Shakespeare

Pula ang tinta ng bawat titik at talinghaga ng makata
Animo’y bungkos ng rosas, nakahahalina
Ramdam ang pagsuyong nakaguhit sa bawat talutot
At ang sa tuwina’y nag-iisang dahon sa luntiang tangkay
Sa aki’y tila ba nangungulila, naghihintay sa pagyuko
At masulyapan ang ngiti ng prinsesang yakap ng petalo
Iniisip na sa huli’y babaluktot din ang dulo ng puluhan, at
Yaong nangungusap na mata ng sinta’y matuon sa abang tingalahan
O, anong sarap pakinggan, hele ng sonetong hirang
Sa angking himig, napapatalon yaong abang nagkukubli
At nananahimik na pintig, wari’y nilikha ang dibdib bilang baluti
Na kumakanlong sa di mapigilang paghanga sa bulaklak
Di man alintana na sinamantala ng mapanglaw na makata
Yaong kapulahan ng rosas bago ikubli sa pahina ng aklat, at malanta.